"Minsan ka lang maging bata…"
July 21, 2009
Sa aking paglalakbay tungo sa aking patutunguhan, maraming mga bagay akong nasasaksihan…Habang nag-aabang ako ng masasakyang jeep sa kahabaan ng espana eh nakakita ako ng mga kabataang tumutugtog ng tambol na yari sa lata ng gatas, na kung saan ay may partner syang isa pang bata na may dala-dala namang puting sobre na kung saan pwede mong ilagay ang iyong kaunting tulong sa kanila. Nakakaawa at tila gusto ko silang abutan ng kahit na maliit na halaga lang ngunit hindi ko magawa dahil hindi ito makakatulong sa kanila. Maaaring alipin sila ng isang sindikato na kung saan hindi naman sa kanila napupunta ang kanilang mga napapalimos at hindi sila ang nakikinabang ng kanilang pinagpapaguran. At bukod dito, maaring magdulot ito ng kapahamakan sa kanila dahil nakikipaglaro ang mga kabataang ito ng patintero sa mga rumaragasang mga sasakyan. Nahahabag ako sa nakikita ko…Tila pinagkaitan at inagawan sila ng kabataan nila. Hindi ba dapat ay makikita mo silang naghahabulan at nakikipaglaro sa kapwa nila bata? HIndi ba dapat ay nakikita mo rin silang nakasuot ng uniporme at nakagayak na pumapasok sa paaralan? Ngunit sa ganitong pagkakataon ang mga kabataang ito ay sumusugal sa pang-araw araw na hamon ng buhay para mabuhay at magkaroon ng pambuhay sa kani-kanilang mga pamilya. Kung tutuusin isa lamang ang nasaksihan ko sa napakarami pang sitwasyon na kinakaharap ng mga kabataan natin sa ngayon. Kawawa naman sila dahil sa murang edad nila ay dinaranas na nila ang mga karanasang dapat ay mga nakatatanda lamang ang nakakaranas.
Masakit mang tanggapin pero talagang nangyayari ito sa ating lipunan. Sana lang ay magawan ito ng paraan para naman maibalik natin sa mga kabataang ito ang karapatan nila bilang isang bata. At sana maumpisahan ito sa loob ng kani-kanilang mga pamilya at tahanan.
Masasabi kong maswerte ako at nagpapasalamat rin dahil hindi ipinagkait sa akin ng aking mga magulang ang karapatan ko nung kabataan ko at nagkaroon ako ng pagkakataong maranasan at ma enjoy ang aking kabataan. Dahil gaya nga ng titulo ng entrada kong ito.. “MINSAN KA LANG MAGING BATA…”.


